sa kislap ng mga bituin
ako ay nagpupumiglas sa pagkakatali
sa mga alaalang pilit na ibinabaon sa lupa.
di masilayan ang liwanag ng araw
pagkat ang nakikita ng mga mata’y
anino lamang ng nakaraan.
labis na nasasaktan,
ang puso ko’y hirap nang tumibok
nais ko nang wakasan
ang buhay kong kay hirap pakisamahan.
sinisilip ko ang mga bituin,
pinapangarap na sana’y kayang abutin.
Ilaw na mula sa buwan
simbolo ng ating pag-iibigan.
liwanag na dulot nito
ang siyang yumayakap sa akin
at iyon na lamang ang tanging dahilan
ng pag-asang aking pinanghahawakan.
ngunit ngayong ika’y wala na,
maitim na ulap ang namumuo sa kalawakan.
unti-unting bumubuhos ang ulan,
binabalot ang pagkatao ko ng kadiliman.
labis kong dinadalangin
na ang kaliwanagan ay mahanap ko rin.
sana bukas sa pagsikat ng araw,
masikatan ang buhay kong madilim
kaya’t ngayong gabi ay akin paring pipilitin
na silipin ang kislap ng mga bituin.
isang lumang tula…..

Leave a Reply